Maraming nagsasabi na ang mga Pilipino daw ngayon ay di na maalam magsalita ng diretsong Filipino or Tagalog.. Madalas ay gumagamit tayo ng mga hiram na salita sa Ingles kapag hindi natin maipaliwanag sa tamang Tagalog ang isang bagay.. Dito nabuo ang sinasabi nilang Taglish — ang paggamit ng mga salitang Filipino at Ingles sa pangungusap..
Madalas itong mapakinggan sa mga mag-aaral sa mataas na paaralan o mga nasa kolehiyo.. Marami sa kanila ay sinanay ng kanilang mga magulang na magsalita sa wikang banyaga kaya may mga kataga silang di nila maipaliwanag sa Filipino..
Hindi naman masama na makipagkomunikasyon sa wikang Ingles ngunit dapat nating alalahanin na ang wika ay bahagi ng ating pagkakakilanlan bilang mga Filipino at sumisimbolo sa daang taong pakikibaka ng ating mga bayani upang matamo ang ating kasarinlan.. Hindi ako hadlang kung gustuhin man ng mga magulang na lumaki ang kanilang mga anak na sanay sa salitang banyaga ngunit dapat din nilang pahalagahan ang Filipino at hubugin din sila na makipag-usap ng malaya sa tamang Filipino..
Ayokong isipin na darating ang panahon na ang wikang sariling atin ay magiging pangalawang wika na lamang ng bansa at Ingles ang mas tinatangkilik.. Sana hindi dumating ang panahon na kahit mga batang ipinanganak at lumaki sa Pilipinas ay di makapagsalita sa wika natin dahil sa tingin ng kanilang magulang ay mas may angat at lamang ang kanilang mga anak dahil sa pagsasalita ng Ingles.. Muli, hindi ako tutol sa pagtuturo ng ikalawang salita sa mga bata ngunit sana ay matuto din silang pahalagahan ang Filipino..
Kahit ang inyong abang lingkod ay aminado na hindi ako lubos na matatas sa ating sariling wika.. Madalas ay hindi ako makagsalita ng isang buong pangungusap na diretsong Filipino at mas naipapahayag ang aking ideya sa salitang banyaga.. Sa pagsusulat ay mas madaling makapag-Filipino dahil nakakapag-isip ka pa di tulad sa pagsasalita.. Ngunit, ako’y mulat sa katotohanan na dapat kong pahalagahan ang Filipino at ipinagmamalaki kong ako ay kahit papano nakakapagsalita nito..
Gayundin ang aking mga pinsan at kamag-anakan sa Cebu at Cagayan de Oro, di sila mahusay magsalita ng Tagalog dahil Bisaya at Ingles ang kanilang ginagamit na salita doon.. Karamihan ng mga nakatira sa Visayas at Mindanao ay di marunong mag-Tagalog ngunit kanilang sinisikap na pag-unlarin ito.. Pinipilit nilang makipag-ugnayan ngunit kapag alam kong lalo kaming di magkaintindihan, ako na mismo ang umaakay sa kanila na sa Ingles na lamang magsalita..
Tayo ay Filipino, dapat natin itong ipagmalaki.. Filipino na kahit bukas sa mga banyagang pag-iisip, ay namumutawi pa rin sa ating kaisipan ang kalahagahan ng bawat simbolo ng ating pagiging malaya, at isa na rito ang ating wika — Filipino..
Ito ay dapat ipagbunyi at ipagmalaki hindi lamang ngayong buwan ng Agosto kundi sa lahat ng pagkakataon..
One Comment Add yours